Umabot na sa 129,913 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa matapos makapagtala ang Department of Health (DOH) ng 3,109 pang mga pasyenteng tinamaan ng naturang sakit ngayong araw.
Ang mga probinsiya o lugar na may matataas na bilang ng naitatalang bagong kaso ay ang Metro Manila (1,700), Laguna (169), Cebu (114), Rizal (98) at Cavite (93).
Samantala, 654 new recoveries naman ang nadagdag kaya nasa 67,673 na ang lahat ng gumaling mula sa COVID-19, habang nasa 2,207 naman na ang kabuuang bilang ng mga pumanaw nang maitala ang 61 pang dagdag dito.
Nasa 59,970 ang active cases ng bansa na patuloy na ginagamot. Sa bilang na ito, 91.2% ang may mild case, 7.5% ay asymptomatic, 0.7% naman ang nasa severe case at 0.6% lang ang nasa critical condition.
Sa huling datos naman ng World Health Organization, higit 19 milyon na ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo habang 721,594 dito ay mga pumanaw na.
