Patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa sa pagpapatuloy ng ika-22 linggo ng quarantine sa Pilipinas.
Ito ay matapos makapagtala ang Department of Health ng 4,444 na mga panibagong kaso ngayong araw, Agosto 12, bagay para sumampa sa 143,749 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng naturang sakit sa buong bansa.
Nasa 3,049 ang maituturing na fresh cases habang 1,395 naman ang late cases mula sa datos na iyan.
Ang mga lugar o probinsiya na may matataas na talang bagong kaso ay ang Metro Manila (2,168), Laguna (233), Cavite (227), Rizal (174), at Bulacan (129).
Samantala, 636 ang nadagdag sa mga gumaling ngayong araw, dahilan para umabot sa 68,997 ang kabuuang bilang nito.
Nasa 2,404 naman ang sumatutal ng mga pumanaw dahil sa COVID-19 matapos makapagtala ng 93 pang pasyenteng nadagdag dito.
Sa ngayon, nasa 72,348 na ang active cases sa bansa na patuloy pa rin sa pagpapagaling mula sa sakit.
Sa huling datos naman ng World Health Organization, higit 20 milyon na ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo. 736,766 sa kanila ay mga pumanaw na.
