Naitala ngayong araw, Agosto 14, ang ikatlong beses na may lagpas 6,000 kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa isang araw lamang.
Sa datos nga ng Department of Health (DOH), nasa 6,216 ang nadagdag sa mga nagkakasakit kaya sumampa na ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa sa 153,660.
Karamihan sa mga bagong kaso ay nagmula sa mga sumusunod na lugar:
National Capital Region (3,846)
Laguna (302)
Rizal (242)
Cavite (240)
Bulacan (178)
Samantala, nadagdag naman sa mga gumaling ang 1,038 pang pasyente kaya nasa 71,405 ang total recoveries ng bansa.
Nasa 2,442 naman ang sumatutal ng mga pumanaw dahil sa COVID-19 matapos makapagtala ng 16 kataong dagdag dito.
Ang bilang naman ng aktibong kaso o patuloy sa pagpapagaling mula sa sakit ay nasa 79,813.
Kaugnay pa nito, nasa 20.43 milyon na ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo. 744,385 sa kanila ay pumanaw na ayon sa huling datos ng World Health Organization (WHO).
