Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko ukol sa kumakalat ngayong mga grupo ng mga indibidwal na nagpapakilalang contact tracer ngunit mga peke pala.
Batay sa mga reklamong pinadadala sa DOH, may mga nagpapakilalang contact tracing team ng ahensiya na humihingi ng mga personal na impormasyon sa mga nakakausap sa telepono at nauuwi sa panghuhuthot ng pera sa mga biktima.
Payo ng naturang ahensiya, hingin muna ang pangalan ng iyong kausap at iberipika ito sa inyong Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) para matukoy kung lehitimong contact tracer ba ang inyong kausap.
Huwag din basta magbigay ng mga personal na impormasyon at kung sakaling mapatunayan na pekeng contact tracer ang kausap, agad itong ipaalam sa mga kinauukulan.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa Philippine National Police at Bureau of Investigation para imbestigahan ang isyu at nangako namang magsasagawa ng legal action kung kinakailangan.
Kaugnay pa nito, narito ang call center hotline ng DOH: 02-8-651-7800 local 5003 at 5004.
